Ma, gusto mo ba ng ganun?
Ay naku, bibili lang ako ng ganyan kapag piso na lang ‘yan.
Ganyan ang laging sagot sa ‘kin ni Mama sa tuwing tatanungin ko sya kapag may mga nakikita akong mga gadgets na bagong labas sa market. Susundan ko ito ng tawa at pabirong, “eh di hindi ka na bibili kasi hindi naman yan ibebenta ng piso lang.”
Malabo naman na maging piso na lang ang halaga ng mga bagay na binebenta. Ngunit alam ko at alam mo rin na hindi naman ganun kaliteral ang ibig sabihin ni ina.
Sa panahon ngayon na high-tech na, at masyadong maraming naiimbento ang mga tao, hindi na nakapagtataka na ang mga uso ngayon, kanina, kahapon.. ay matatabunan at lalangawin na sa isang buwan sa makalawa, o baka nga bukas na.
Noong simple pa ang buhay ng mga Pilipino, ang mga mayayaman lang at may kaya sa buhay ang may kakayahan na makabili ng mga hightech na gamit. Mahal pa kasi ang mga ito at wala pa halos kakumpetensya. Kaya naman ang mga tao, umaasam na magkaroon din sila ng mga ganung kagamitan.
Makikinood lang po sa kapitbahay..
Buti nalang may kaya kami noon kaya may tv kami...
Parang sinehan ang loob ng ilang mga bahay dati dahil sa mga nakikinood na kapitbahay. Black and white pa ang uso noon. Hanggang sa nakaimbento ng colored. Mula 14 inches, naglalakihan na ngayon ang mga bagong labas na TV. Di lang yun.. “flat screen” na.
Dati, pahirapan pa ng signal at kakaunti pa ang mga channels, ngayon may mga cable na.
Ngayon ay hindi ka na mahihirapan pa na mangapitbahay at makisiksik sa mga kapitbahay mo na gusto rin makinood.
Hindi mo na maaamoy ang mga hindi maintindihang amoy ni kapitbahay na naglalaway pa dahil nakatulog na sa panonood.
Hindi ka na makakaranas na bigla na lang papatayin ang TV sa part na halos nakanganga na kayong lahat sa pananabik.
At ok lang kahit anong oras mo patayin ang TV nyo at mag-ipon ng eyebags at magdagdag singil sa kuryente.
Mag-DL lang ako ng movie..
Nakapanood na rin naman kami sa sinehan kahit hindi piso ang halaga ng ticket. Habang tumatagal nga ay lalo pang tumataas ang presyo ng ticket sa sinehan. Kaya nga minsan, mas marami ang nag-aabang na lang sa mga nagkalat na namimirata sa mga sidewalk.
Pero ang mga DVD players, na pumalit sa mga betamax, VCH, ay nagmumura na ngayon dahil sa patuloy na pag-evolve nito upang maki-angkop sa mga gadgets ng panahon ngayon na pwedeng isalpak sa kanila.
Ngunit mukhang mababawasan na naman ang mga gagamit dito dahil sa lalong lumalaganap na piracy. Ang pagdo-download ng mga movies sa internet.
Mabilis na, free pa.
Magpadingas ka na ng uling, mamamlantsa na ko..
Naabutan mo pa ba yun? Yung plantsang de uling?
Oo, sa probinsya nakita ko, pero sa bahay namin de kuryente na.. ‘Yun yung dating ginagamit na pang-unat sa mga kusot na damit. At tuluyan nang binura sa market ng panahon natin ngayon.
Naalala ko lang siya.
Meron pa ngang mga damit na inaalmirol.
Pero hindi lang plantsa ang dating ginagamitan ng uling. Pati ang kalan na ginagamit sa pagluluto.
Kailangan mo pang magpadingas para makaluto. Bukod sa uling, meron ding kalan na ginagamitan ng kerosene.
Ok pa naman sana ang mga ganun. Kaya lang, sa mahal na rin ngayon ng uling, bakit ka pa magtatyaga at magpapakahirap? Mag-gasul ka na lang or mag-electric stove.
Ilang milya ba ang kaya mong lakarin?
Pag inutusan ako ni mama at tinatamad akong maglakad, sisimulan nya kong sermunan at kwentuhan na nung panahon nila, di hamak na mas malayo pa ang nilalakad nila kaysa sa amin. Pudpod na ang tsinelas bago pa makarating sa kanilang pupuntahan. Ilang ilog at bundok din ang dapat nilang tawirin.
Pero panahon nila yun. Ngayon, kahit ilang metro lang ang layo ng pupuntahan, sumasakay pa.
“Gusto ko ng sasakyan. Bibili ako.”
“May pera ka ba?” bara agad ni mama.
Noon ulit. Konti lang ang may sariling sasakyan. Hindi pa gaanong traffic at polluted ang Pilipinas. Kalesa nga lang dati ang tumatakbo sa mga kalsada.
Pero ngayon, mura na lang ang mga sasakyan, idagdag pa ang maraming financial institutions na nag-ooffer ng mga car loan. Kaalinsabay ng dumadaming populasyon ng Pilipinas ay ang pagdami ng komyuters at natural na dumadami ang mga pampasaherong sasakyan na nagiging dahilan ng unti-unting pagsikip ng trapiko.
Sayang ang film..
“Picture picture!”
Magkano na lang ba ang digicam sa ngayon? Sale man o hindi, makakabili ka na ng gadget na ito sa murang halaga. Pwede ka nang mag-”picture-picture” kahit saan mo gusto, kahit kelan, kahit ano, kahit sino, kahit natutulog ka pa. Kahit ilang beses ka pa mag-click ok lang dahil sa laki ng memory. Pwede mo pang baguhin ang mga effects at kahit sobrang layo, magagawa mong palapitin.
Hindi katulad noon. Black and white ang picture. At todo ingat ka pa sa pagngiti at paggalaw dahil sayang ang film. 36 shots lang yun na ipapadevelop mo.
Eh ang mga pictures ngayon? Mabuti pa ang fb kumpleto ka sa album. Pero hulaan ko, konti lang ang pinadevelop mo dun, o baka nga wala pa.
Android na ba ang phone mo?
Nagsimula sa sulat na ilang buwan bago mo matanggap. Pagkatapos ay nagkaroon ng telegrama ng mga telepono na kakaiba pa ang hitsura.
Hanggang sa nabuhay na ang cellular phone, cellphone, cp o kung ano pang gusto mong itawag sa kanya.
Text at tawag lang ang kaya nyang gawin noon. Means of communication lang talaga. Pero ngayon, pwede mo ng ibulsa ang TV nyo, DVD player, radyo, calculator, orasan, globo, timer, computer, boyfriend mo, alaga mo. Lahat ibulsa mo na. Baka nga sa susunod, pati ref nyo, electric fan, kusina, buong bahay na at bakuran.
Dahil lahat na ng applications na kayang ilagay sa cp ay inilalagay na.
Na dati ay nabuhay ka naman ng wala sila eh ngayon ay pinag-iipunan mo pa ng todo-todo para lang makasabay sa uso.
Halos lahat ng tao ngayon ay may cp na. Kahit nga magtataho, nagbabakal-bote, nagbabasura, meron na nyan. Kahit ung mga tambay sa kanto meron din. Samantalang dati, ilan lang ang may cellphone.
Ngunit ang tanong ngayon ay hindi kung may cellphone ka, kundi anong modelo ng cp mo?
Mura na ngayon ang de-camerang cellphone. Lalo na kung galing sa “GSM” (galing sa magnanakaw).
Ang mga magagandang modelo na noong bagong labas ay pagkamamahal ay mabibili mo na ng murang-mura ngayon. Yun nga lang, hindi na sila ang “in” sa ngayon.
Pero sabi nga nila mama at papa, bakit mo naman kailangan ang bagong cellphone kung ok pa ang ginagamit mo ngayon? Kung ibili mo ang pera mo ng mas importanteng bagay o ipunin mo kaya.. mas magiging makabuluhan pa yan.
Katulad lang yan ng pagbili mo ng bagong modelo ng laptop kahit ok pa yung una mong binili.
Tuwang-tuwa ka pa dahil nagmura agad yung modelo na gustong-gusto mo. Yun pala, ibinaba ang presyo nun dahil may ilalabas na bagong modelo.
Pero kelan nga ba sila magiging piso?
Dahil na rin sa prinsipyo ng aking mama, nagkaroon kami ng mga kagamitan nung panahon na halos itinatapon na ito ng iba. Yun bang gasgas na ang DVD ng mga kapitbahay dahil matagal na silang may player, pero kami ay bago pa lang nagkaron nito.
Buti pa ang mga gadgets na mabubuhay tayo kahit wala tayo nito, bumababa ang presyo.
Pero ang mga pagkain, elektrisidad, bahay, at iba pang kailangan natin para mabuhay.. hindi bumababa, bagkus ay tumataas pa nga.
Kung dati ay may mabibili ka ng pagkain sa halagang singko ngayon ay wala na. Makakapasok sa eskwelahan na may baon na dalawang piso ngunit ngayon, halagang isandaan na, kulang pa.
Kendi na lang ngayon ang mabibili mo sa halagang PISO madalas tatlo DOS pa.
Kaya siguro si mama laging may kendi.. kasi piso lang ang halaga nito..

No comments:
Post a Comment