My Almost - Perfect Life

You can never find the perfect person in me because what makes me human is my imperfection. Though am not perfect, at least I'm real.. :)

Monday, May 24, 2010

kapanahunan

Teks. Naalala mo pa kung paano maisapinta yong mga pelikula noong araw sa teks, mga pelikula nila bong revilla, eddie garcia, ronnie rickets, robin padilla, at kung anong patok sa sinehan noon. Malas nga lang nila dingdong dantes at marian rivera sa kanilang pelikula dahil hindi naisa-teks ang kanilang you to me are everything. Sa teks din kami noon madalas mag-away, may dugaan sa bilang, at itsapwera kung luma ang teks na pinanlalaro mo dapat yong malutong at bago.
teks

Isa-dal-awa-tat-lo-a-pat… ganyan kung magbilang sa teks, yan din ata ang unang stepping stone ko sa pagbibilang noong bata ako dahil madalas kung panuorin ang mga kuya ko sa paglalaro nito. Si kuya Mc-kee yong magaling sa pektus na sinasabi, ito yong pag-itsa mo na may matinding konsentrasyon at tamang pagpitik ng daliri paitaas para manalo ang taya mo. Hindi ko alam kung anong koneksyon nito sa paglalaro kung bakit laging panalo o marahil tsamba lang ang mga loko. Kahit anong posisyon mo sa pag-itsa basta dapat manalo ka dito kundi gaya sa ibang laro tatawagin kang LOOOSEEERR!

May panahon ang teks, kumbaga uso-uso lang. Mas nauunang mag-uso ito madalas sa mga eskwelahan bago sa kabahayan. Ito ang una sa mga pinagkakagastusan ko noon, iipunin ko yong baon ko mula lunes hangang biyernes tapos ibibili ko ng teks sa araw ng sabado, dinadayo namin yong tindahan ni apong sindang o apong pasing para makapamili kami ng bago at magandang comic strip ng teks, tapos buong sabado na kami maglalaro hangang linggo. Pagkatapos naming mananghalian, maliligo kaming magpipinsan tapos makikipaglaro na sa kapitbahay, sinasamantala namin to habang sila auntie at nanay e nakikinig ng radyo sa programa ni tiya dely na paboritong paborito naman nila. May tv na noon pero wala pang wowowee kaya mas pinili na lang nilang makinig sa radyo.

May time noon na pagkagising na pagkagising ko palang e maglalaro na ako ng teks sa kapitbahay, walang mumog at walang hilamos. Kumbaga sa terminolohiya…adeeeek! Madalas akong umuwi na puno ang supot na dala ko, at tuwang tuwa ako pag nananalo. Nalilipasan na ako noon ng gutom sa paglalaro nito kaya nung nalaman ni nanay na ganun ang nangyayari confiscated lahat ng teks ko, maging yong paborito kong pamato. Iyak nang iyak ako noon at nagmamakaawa, pero kung anong tigas ng kalyo ko sa daliri noon sa pagteteks e ganun din katigas ang loob ng nanay ko. Nakita ko na lamang ang mga teks isang umaga kasama doon sa sinunog na damo sa likod ng bahay namin. Noong araw ding yon, pinagaralan ko ang makinig kay… ANG INYONG TIYA DELLLLYYYY! *susundan ng mellow kalimbang sound effect*
Ngayon, bihira na lang akong makakita ng mga batang naglalaro ng teks sa mga kalye. Bihira na akong makakita ng mga batang nanlilimahid sa dumi sa paglalaro ng teks, tuluyan nang nilamon ng panahon ang mga nakagawiang larong pinoy. Umuusbong na marahil ang mga makabagong laro tulad ng dota, sf, ran, flyff at ilan pang online games. Tuluyan nang nilamon ng transisyon ang mga makalumang laro.

Pero buhay na buhay pa rin sa akin ang larong ito, kelangan patas at walang mandadaya. At dito ko nakita kung gaano kaseksi si pricilla almeda at kung gaano kalaki ng ipinagbago ni rustom padilla ngayon.

No comments:

Post a Comment