My Almost - Perfect Life

You can never find the perfect person in me because what makes me human is my imperfection. Though am not perfect, at least I'm real.. :)

Thursday, November 24, 2011

Break na Tayo!!?

**Juan Lakarin went from being “In a relationship” to “Single”**. Sabay may drawing ng isang maliit na puso sa dulo. Isa sa mga post na lintik kung makatawag ng atensyon. Lalo na kung kilala mo ang taong yun at ang jowa niya. Tipong sumikat ang love team nila dahil sa maka-diabetes na ka-sweetan. Couples shirt kung saan ang nakaprint ay mukha ng bawat isa. Holding hands while kumakandirit. Magkadikit na pisngi ang profile pic nila sa FB. I love you messages sa text, sa call, sa twitter, sa status, sa email, sa YM pati na din sa telegrama. Cherry nalang sa kanilang mga bun-bunan ang kailangan, pwede na silang panghimagas.

Dont get me wrong. Walang masama dun. In fact, Hanga ako sa mga taong hindi alintana ang iba sa pagpapadama ng kanilang pag-ibig. Pero paano kung biglang matapos ang dating akala mo ay walang hanggan? Paano kung naglasang hilaw na bayabas ang dating sintamis ng bukayo? Paano kung naihipan ng malakas na hangin ang apoy? Paano na kung wala na kayo?

Okey lang siguro kung mutual ang decision. Tamang “apir” lang, naka move on na kayo pareho. Parang walang nangyari. Pero paano kung siya ay kumakanta na ng “ayawan na! ayawan na!” samantalang ikaw ay nagtatago parin sa likod ng punong mangga dahil akala mo, tuloy pa ang laro niyo nang tagu-taguan.

Katatapos ko lang panoorin ang 500 days of summer. Ulit. Isa sa mga pinakamatingkad na eksena dun e nung nakipagbreak si summer kay tom. Medyo brutal. Biglaan. Ni walang ideya ang lalake na yun na ang katapusan. Nakuha pang kumain ng pancake ni summer habang dahan-dahang lumulubog ang puso ni tom papunta sa kanyang baga. Sabagay, bumawi naman si babae ng sabihing “Dont go, youre still my bestfriend”. Ayos. Parang sinubukan mong pagdikitin ang basag na plato gamit ang kanin sa kaldero.

May tama bang paraan o linya sa pakikipaghiwalay?


Heto ang ilan sa kanila:


1. IT’S NOT YOU, IT’S ME – Anak ng hilaw na sayote. Isa sa pinaka lumang litanya. Sa sobrang luma nito, pwede na siyang itabi sa “I shall return” ni Mcarthur. Kung may iba pang chicks noon, malamang ito ang ginamit ni Adan para makipagbreak kay Eba. Ikaw naman pala ang may problema, bakit sakin ka nakikipaghiwalay? E di dapat ang iwanan mo e yang sarili mo. Schizo kaba o naka coccaine?

2. YOU’RE TOO PERFECT FOR ME – Applicable lang ito dun sa mga jowa na halos nasa kanila na ang lahat. Gwapo/Maganda. Matalino. Mayaman. May magandang career. Magaling sa sports. May alam sa music. May sense of humor. Mabait. Samakatuwid. Noong umulan ng magagandang katangian, may dala siyang planggana. Siya lang ata ang anak ng Diyos. Hindi ito pwede sa bf/gf mong ex-con o drug pusher.

3. IT’S NOT WORKING – Isa sa pinakamalabo. Bakit “not working”?. Sira ba tayo na parang alarm clock na hindi tumutunog? O cellphone na hindi nakakareceive ng call kahit may signal? Ano? Kelangan bang palitan ang mga battery natin?

4. MAYBE WE’RE NOT MEANT TO BE – Naks. Paano mo naman nasabi yun? Dahil ba hindi tayo nagtagpo sa ilalim ng gabi na puno ng bituin? Dahil ba magkaiba ang sinagot natin sa compatibility quiz sa internet? Dahil ba vegetarian ka at nasusuka ako sa chopsuey? O dahil ayon sa horoscope e hindi tugma ang mga zodiac sign natin? Diba may bagong sign na nadagdag? Icheck mo ulit. Baka this time. Meant to be na.

5. I THINK WE WOULD BE BETTER OFF AS FRIENDS – Sabagay. Kaya nga kita hinahatid sundo araw-araw. Kaya kita dinadalaw sa bahay niyo. Kaya kita tinetext ng iloveyou bawat oras. Kaya nga kita nililibre ng sine at dinner linggo-linggo. Kaya kita nireregaluhan ng alahas at sapatos kahit wala na akong makain. Kasi alam ko, sa bandang huli, FRIENDS parin tayo. Pakyu.

6. I’M NO LONGER HAPPY – Bakit? Teka. May mga bago naman akong knock-knock. Promise, di ko na uulitin yung joke tungkol sa contest ng hapon, intsik at pilipino sa pagpapalakasan ng putok. Mag-aaral ako ng juggling. Matuto din akong mag-magic.Magpaparetoke ako para maging kamukha ni Mr. Bean.

7. I FELL OUT OF LOVE – Asan? Baka pwede pang damputin? Pag-pagan lang natin. Wala pa namang 5 minutes o dumaan na eroplano.

8. I NEED SPACE – isa pang malabo. Bakit? Buong araw ba tayong naglalakad sa isang masikip na eskenita? Pero kung gusto mo talaga ng space, halika, ilalaglag kita sa gitna ng pacific ocean.

9. MAYBE IT’S NOT THE RIGHT TIME – Parang linya lang sa kantang “somewhere down the road”. We had the right love at the wrong time. Teka. Kelan ba ang tamang panahon? Pwede bang sabihin mo para mai-ekis ko sa kalendaryo namin? Siguro naniniwala siyang magugunaw na ang mundo sa 2012.

10. I HAVE A DIFFERENT SET OF PRIORITIES – Sinabi ko bang umabsent ka sa trabaho para makapamasyal tayo sa Luneta? Binabawasan ko ba ang sahod mo na parang SSS at PAGIBIG? Kinumbinsi ba kita kahit minsan na iwanan ang pamilya mo at magpalit ng career bilang suicide bomber?

11. I DON’T SEE MY FUTURE WITH YOU – Ok lang sakin to. May lahi pala sila ng manghuhula. Itanong mo ang kombinasyon na tatama sa lotto bago ka umuwi.

12. YOU’RE NOT THE ONE – Patay tao diyan. Solid hit ito. Kumbaga, hindi ikaw ang tamang susi para sa isang kandado na tulad niya. So hindi bubukas. Hayaan mo na. Tandaan, ang mga kandado ay bagay lamang sa bilibid.

13. WE’RE TOO SIMILAR – Hala. Sobra naman daw ang compatibility niyo. Nagiging predictable at boring na ang relasyon. Hayaan mo na, tanggapin mo nalang pag sinabihan ka ng ganun. Sabay regaluhan mo ng aso. Pakasalan niya kamo. Ewan ko lang kung maging “too similar” pa. Hayop yun. Tao siya.

14. WE’RE TOO DIFFERENT – Sala sa init. Sala sa lamig. Masyado naman kayong magkaiba kaya daw hindi nagwowork. Ano bang gusto ng BF mo? Parehas kayong may bigote? Ano ba gusto ng GF mo? Pareho kayong gumagamit ng sanitary napkin?

15. YOU DESERVE SOMEONE BETTER – Bakit? Higanteng teddy bear ba ako na premyo sa Timezone at kulang ang ticket na napanalunan mo?

16. WE’VE GROWN APART – Ano tayo? Sanga ng punong acacia?

17. I DON’T SEE MYSELF IN A RELATIONSHIP RIGHT NOW – tang ina ka. Bakit ngayon mo lang sinabi??

18. WE SHOULD CONSIDER OTHER OPTIONS – aruy. Sabagay, kung sa carinderia nga, di pwedeng puro adobo nalang ang ulamin mo. Try mo din yung piniritong isda na kahapon pa naghihintay na may bumili.

19. MAYBE THERE’S SOMEONE ELSE FOR BOTH OF US – oo naman. Gusto mo ireto kita sa tropa ko? Si Jograd. Mabait yun. Kalalabas niya lang ng manila city jail. Rape with murder ang kaso. Magkakasundo kayo. Try mo lang. Ano ngayon kung puro tattoo sa braso? Art yun. And dont judge a book by its cover.

20. WE’RE NOT THE SAME PEOPLE AS WE WE’RE BEFORE – ibig sabihin di na siya tao. Bampira na siya. O werewolf na may six pack abs.


Umpisa palang yan. Syempre may secondary ammunition pa.


1. I HOPE WE COULD STILL BE FRIENDS – Oo naman. Buburahin nga lang kita sa Facebook, Twitter at cellphone ko. Susunugin ko din mga litrato mo para gawing bonfire. At wag na wag kanang dadaan sa bahay. Bibili ako ng bagong aso. Yung hindi ka kilala. Para lapain ka kung sakaling maligaw ka samin. Pero friends parin tayo.

2. I STILL CARE – ibig sabihin nito, wag mo daw bawiin yung mga mamahaling gamit na niregalo mo sa kanya.

3. I LOVE YOU, BUT IM NOT IN LOVE WITH YOU – Astig. Nakuha niyang durugin ang puso mo ng pinong-pino na tila pulbos ng espasol dahil lang sa salitang “IN”. Kahit sa scrabble hindi pwede yun eh.

4. I WILL TREASURE YOU FOREVER – ako din, i will treasure you forever. Pwede ko bang hingiin ang bungo mo para gawing souvenir??

5. YOU WILL REALIZE THAT IT’S FOR THE BETTER – siguro nga. Dadating ang panahon na matatangap ko din. Salamat ha. For the mean time, pwede ba kitang saksakin ng bread knife sa leeg? Pang-alis stress lang.

6. YOU’RE LIKE A BROTHER/SISTER TO ME – kung trip mo ding halikan ang kapatid mo tulad ng sa atin. Patingin ka sa psychiatrist.

7. IT’S NOT THAT THERE’S SOMEONE ELSE (FOR NOW) – wala naman daw siyang iba. as of this moment. habang kausap ka niya at mahigpit ang hawak mo sa tinidor at kutsilyo.

8. IT’S OVER, PLEASE UNDERSTAND – oo nga naman. Intindihin mo siya. Mukhang hirap na hirap si gago sa pinagdadaanan niya. Sana maintindihan ka rin niya pag sapilitan mo siyang pinainom ng insecticide.

9. MAYBE IT’S STILL US IN THE FUTURE – astig. Pansamantala muna niyang dudukutin ang puso mo at ilalaglag sa blender. Tapos ibabalik niya sayo ang baso ng dinuguan shake kalakip ang pag-asa na baka bukas o sa kabilang buhay e magiging kayo uli. Sarap no.

10. YOU’RE STILL MY BEST FRIEND – the best. Ayaw mo nun? Bestfriend ka pa rin niya? So ibig sabihin, ililibre mo parin siya at obligado kang magregalo tuwing may okasyon. Anong kapalit? Ikaw lang naman ang unang makakaalam kung sino ang bago niyang jowa. Ikaw din ang unang makakarinig ng mga “sweet moments” nila nung ipinalit sayo, habang ikaw ay busy sa paghihigpit ng tali sa iyong leeg na nakasabit sa ceiling fan.


Pagkatapos mong palitan ang pangalan niya sa phonebook bilang Lucifer, gawing scratch paper ang mga sulat niya pag math exam, idikit ang picture niya sa mga wanted posters, ituro siya bilang prime suspect sa holdapan ng mga computer shop, idelete sa mga social networking sites, ipagkalat na ipinanganak siyang may buntot na parang unggoy. Aminin mo. Ilang beses mo paring chinecheck ang profile niya sa FB gamit ang isang dummy account. Natural lang yun. Alangan namang maghanda ka pa ng pansit at biko dahil iniwan ka ng jowa mo. Di madaling lumimot. Pero lilipas din yan. Parang gutom. Mahapdi sa simula. Pero nawawala din. Dadating ang oras, matatawa ka nalang kung bakit mo pinagaksayahan ng luha ang gung-gong na yun.


Siguro wala namang swabeng linya na aaktong parang anaesthesia. Mabango lang sa pandinig ang ilan. Pero pag narealize na ng utak kung anong nais mong sabihin (depende kung slow ang pinagsabihan), iisa lang ang resulta noon. Konting respeto lang ang kailangan. Kung pwedeng personal, wag nang daanin sa text o tawag. Mas malala kung missed call lang. Ano yun? May secret code kayo? “Love, pag nag missedcall ako sayo ng 13 times, ibig sabihin nun, break na tayo ha??, love you muah!!”.


Hindi lahat ng nakipaghiwalay sa kanilang mga karelasyon ay manloloko. At hindi lahat ng nanatili sa kanilang “relationship status” ay matino.

Ang nabigong pag-ibig ay parang sugat. Patakan mo ng kalamansi. Para di ka maiputan ng ibong adarna.


Bibili Lang Ako Ng Ganyan ‘Pag Piso Na Lang ‘yan..

Ma, gusto mo ba ng ganun?
Ay naku, bibili lang ako ng ganyan kapag piso na lang ‘yan.
Ganyan ang laging sagot sa ‘kin ni Mama sa tuwing tatanungin ko sya kapag may mga nakikita akong mga gadgets na bagong labas sa market. Susundan ko ito ng tawa at pabirong, “eh di hindi ka na bibili kasi hindi naman yan ibebenta ng piso lang.”
Malabo naman na maging piso na lang ang halaga ng mga bagay na binebenta. Ngunit alam ko at alam mo rin na hindi naman ganun kaliteral ang ibig sabihin ni ina.
Sa panahon ngayon na high-tech na, at masyadong maraming naiimbento ang mga tao, hindi na nakapagtataka na ang mga uso ngayon, kanina, kahapon.. ay matatabunan at lalangawin na sa isang buwan sa makalawa, o baka nga bukas na.
Noong simple pa ang buhay ng mga Pilipino, ang mga mayayaman lang at may kaya sa buhay ang may kakayahan na makabili ng mga hightech na gamit. Mahal pa kasi ang mga ito at wala pa halos kakumpetensya. Kaya naman ang mga tao, umaasam na magkaroon din sila ng mga ganung kagamitan.
Makikinood lang po sa kapitbahay..
Buti nalang may kaya kami noon kaya may tv kami...
Parang sinehan ang loob ng ilang mga bahay dati dahil sa mga nakikinood na kapitbahay. Black and white pa ang uso noon. Hanggang sa nakaimbento ng colored. Mula 14 inches, naglalakihan na ngayon ang mga bagong labas na TV. Di lang yun.. “flat screen” na.
Dati, pahirapan pa ng signal at kakaunti pa ang mga channels, ngayon may mga cable na.
Ngayon ay hindi ka na mahihirapan pa na mangapitbahay at makisiksik sa mga kapitbahay mo na gusto rin makinood.
Hindi mo na maaamoy ang mga hindi maintindihang amoy ni kapitbahay na naglalaway pa dahil nakatulog na sa panonood.
Hindi ka na makakaranas na bigla na lang papatayin ang TV sa part na halos nakanganga na kayong lahat sa pananabik.
At ok lang kahit anong oras mo patayin ang TV nyo at mag-ipon ng eyebags at magdagdag singil sa kuryente.
Mag-DL lang ako ng movie..
Nakapanood na rin naman kami sa sinehan kahit hindi piso ang halaga ng ticket. Habang tumatagal nga ay lalo pang tumataas ang presyo ng ticket sa sinehan. Kaya nga minsan, mas marami ang nag-aabang na lang sa mga nagkalat na namimirata sa mga sidewalk.
Pero ang mga DVD players, na pumalit sa mga betamax, VCH, ay nagmumura na ngayon dahil sa patuloy na pag-evolve nito upang maki-angkop sa mga gadgets ng panahon ngayon na pwedeng isalpak sa kanila.
Ngunit mukhang mababawasan na naman ang mga gagamit dito dahil sa lalong lumalaganap na piracy. Ang pagdo-download ng mga movies sa internet.
Mabilis na, free pa.
Magpadingas ka na ng uling, mamamlantsa na ko..
Naabutan mo pa ba yun? Yung plantsang de uling?
Oo, sa probinsya nakita ko, pero sa bahay namin de kuryente na.. ‘Yun yung dating ginagamit na pang-unat sa mga kusot na damit. At tuluyan nang binura sa market ng panahon natin ngayon.
Naalala ko lang siya.
Meron pa ngang mga damit na inaalmirol.
Pero hindi lang plantsa ang dating ginagamitan ng uling. Pati ang kalan na ginagamit sa pagluluto.
Kailangan mo pang magpadingas para makaluto. Bukod sa uling, meron ding kalan na ginagamitan ng kerosene.
Ok pa naman sana ang mga ganun. Kaya lang, sa mahal na rin ngayon ng uling, bakit ka pa magtatyaga at magpapakahirap? Mag-gasul ka na lang or mag-electric stove.
Ilang milya ba ang kaya mong lakarin?
Pag inutusan ako ni mama at tinatamad akong maglakad, sisimulan nya kong sermunan at kwentuhan na nung panahon nila, di hamak na mas malayo pa ang nilalakad nila kaysa sa amin. Pudpod na ang tsinelas bago pa makarating sa kanilang pupuntahan. Ilang ilog at bundok din ang dapat nilang tawirin.
Pero panahon nila yun. Ngayon, kahit ilang metro lang ang layo ng pupuntahan, sumasakay pa.
“Gusto ko ng sasakyan. Bibili ako.”
“May pera ka ba?” bara agad ni mama.
Noon ulit. Konti lang ang may sariling sasakyan. Hindi pa gaanong traffic at polluted ang Pilipinas. Kalesa nga lang dati ang tumatakbo sa mga kalsada.
Pero ngayon, mura na lang ang mga sasakyan, idagdag pa ang maraming financial institutions na nag-ooffer ng mga car loan. Kaalinsabay ng dumadaming populasyon ng Pilipinas ay ang pagdami ng komyuters at natural na dumadami ang mga pampasaherong sasakyan na nagiging dahilan ng unti-unting pagsikip ng trapiko.
Sayang ang film..
“Picture picture!”
Magkano na lang ba ang digicam sa ngayon? Sale man o hindi, makakabili ka na ng gadget na ito sa murang halaga. Pwede ka nang mag-”picture-picture” kahit saan mo gusto, kahit kelan, kahit ano, kahit sino, kahit natutulog ka pa. Kahit ilang beses ka pa mag-click ok lang dahil sa laki ng memory. Pwede mo pang baguhin ang mga effects at kahit sobrang layo, magagawa mong palapitin.
Hindi katulad noon. Black and white ang picture. At todo ingat ka pa sa pagngiti at paggalaw dahil sayang ang film. 36 shots lang yun na ipapadevelop mo.
Eh ang mga pictures ngayon? Mabuti pa ang fb kumpleto ka sa album. Pero hulaan ko, konti lang ang pinadevelop mo dun, o baka nga wala pa.
Android na ba ang phone mo?
Nagsimula sa sulat na ilang buwan bago mo matanggap. Pagkatapos ay nagkaroon ng telegrama ng mga telepono na kakaiba pa ang hitsura.
Hanggang sa nabuhay na ang cellular phone, cellphone, cp o kung ano pang gusto mong itawag sa kanya.
Text at tawag lang ang kaya nyang gawin noon. Means of communication lang talaga. Pero ngayon, pwede mo ng ibulsa ang TV nyo, DVD player, radyo, calculator, orasan, globo, timer, computer, boyfriend mo, alaga mo. Lahat ibulsa mo na. Baka nga sa susunod, pati ref nyo, electric fan, kusina, buong bahay na at bakuran.
Dahil lahat na ng applications na kayang ilagay sa cp ay inilalagay na.
Na dati ay nabuhay ka naman ng wala sila eh ngayon ay pinag-iipunan mo pa ng todo-todo para lang makasabay sa uso.
Halos lahat ng tao ngayon ay may cp na. Kahit nga magtataho, nagbabakal-bote, nagbabasura, meron na nyan. Kahit ung mga tambay sa kanto meron din. Samantalang dati, ilan lang ang may cellphone.
Ngunit ang tanong ngayon ay hindi kung may cellphone ka, kundi anong modelo ng cp mo?
Mura na ngayon ang de-camerang cellphone. Lalo na kung galing sa “GSM” (galing sa magnanakaw).
Ang mga magagandang modelo na noong bagong labas ay pagkamamahal ay mabibili mo na ng murang-mura ngayon. Yun nga lang, hindi na sila ang “in” sa ngayon.
Pero sabi nga nila mama at papa, bakit mo naman kailangan ang bagong cellphone kung ok pa ang ginagamit mo ngayon? Kung ibili mo ang pera mo ng mas importanteng bagay o ipunin mo kaya.. mas magiging makabuluhan pa yan.
Katulad lang yan ng pagbili mo ng bagong modelo ng laptop kahit ok pa yung una mong binili.
Tuwang-tuwa ka pa dahil nagmura agad yung modelo na gustong-gusto mo. Yun pala, ibinaba ang presyo nun dahil may ilalabas na bagong modelo.
Pero kelan nga ba sila magiging piso?
Dahil na rin sa prinsipyo ng aking mama, nagkaroon kami ng mga kagamitan nung panahon na halos itinatapon na ito ng iba. Yun bang gasgas na ang DVD ng mga kapitbahay dahil matagal na silang may player, pero kami ay bago pa lang nagkaron nito.
Buti pa ang mga gadgets na mabubuhay tayo kahit wala tayo nito, bumababa ang presyo.
Pero ang mga pagkain, elektrisidad, bahay, at iba pang kailangan natin para mabuhay.. hindi bumababa, bagkus ay tumataas pa nga.
Kung dati ay may mabibili ka ng pagkain sa halagang singko ngayon ay wala na. Makakapasok sa eskwelahan na may baon na dalawang piso ngunit ngayon, halagang isandaan na, kulang pa.
Kendi na lang ngayon ang mabibili mo sa halagang PISO madalas tatlo DOS pa.
Kaya siguro si mama laging may kendi.. kasi piso lang ang halaga nito..